Makakita ka lang kahit gaano kaliit na ipis pa iyan, ay talaga namang magtataka ka kung bakit merong ganito sa paligid mo, kung madumi na ba sa kusina, o may mga kapitbahay kang hindi malinis ang bakuran. Imbes na mag-alala, araling mabuti ang katangian ng mga maliliit na ipis na ito, anong nakakapag-akit sa kanila, saan sila nagtatago, at ang pinakamahalaga, ay kung paano sila puksain. Sila ang mga tinatawag na German cockroach, mga maliliit na uri ng ipis na hindi lalampas sa 0.70 pulgada.
Tulad ng ibang mga ipis, ang mga German cockroach ay nag-iiwan ng mga nakakabahalang dumi at mga mikroorganismong may dala-dalang sakit. Ang mga duming ito ay makakapagdulot ng allergy, bahing, pangangati at puwing kapag madaming German ipis sa bahay.
Ano nga nga ba ang hitsura ng mga German ipis?
Ang mga German cockroach na nasa hustong gulang na ay sarat, kulay kayumanggi, at may dalawang linya sa likod na nagmumula sa ulo pababa sa katawan. Bagama’t hindi lumilipad ang mga German ipis, kumpleto at buo ang kanilang mga pakpak. Maliliit sila at mabibilis magparami. Kapag may mga nakikitang maliliit na butil ng dumi na tila giniling na kape, mga patay na maliliit na ipis, mga biluhabang kaha ng itlog, at mabahong amoy, siguradong may mga German ipis sa paligid.
Anong nakakapag-akit sa mga German ipis?
Tulad ng ibang mga uri ng ipis, naghahanap din lamang ng matitirhan ang mga German ipis – yung mainit-init, basa, at may pinanggagalingan ng pagkain. Dahil mga scavenger ang mga ipis, kakainin nila kahit ano, kung kaya’t basura ang pangunahing nakakaakit sa kanila. Kapag may pagkakataon, gusto nilang kumain ng matatamis, malangis, masebo, at mga karne ng hayop o lutong pagkain ng tao. Nabubuhay din sila sa pagkain ng mga iba pang mga dumi at basura.
Saan nagtatago ang mga German ipis?
Ang paboritong taguan ng mga ipis ay ang mga sulok-sulok na madilim, tahimik at malayo sa tao. Dahil palapad at maliliit sila, nakakasiksik sila sa malilit na sulok tulad ng mga butas sa sahig, sa pader at sa mga tubo ng lababo at banyo. Iba pang mga taguan nila ay mga maiinit na lugar tulad ng mga kisame, mga kawad-kawad o wiring ng mga appliances tulad ng telebisyon, kalan, ref and iba pa.
Pinakamabisang pamatay ng maliliit na German cockroach
Paano nga ba permanenteng puksain ang mga maliliit na ipis na ito? Ang pinakamabisang pamatay ng mga German cockroach ay ang mga sumusunod:
- Alamin ang pinanggagalingan ng problema.
Suriing mabuti at i-lista ang mga lugar sa inyong bahay na madalas nakikitaan ng mga ipis na ito. Hanaping mabuti ang mga maliliit na espasyo na pwedeng pagtaguan ng mga ito. Gumamit ng flashlight at inspeksyuning mabuti ang sulok-sulok at singit-singit sa inyong bahay. Maari ding maglagay ng mga sticky traps upang malamang ang mga hotspot, o mga lugar kung saan sila pinakamadami.
- Lasunin ang mga ito.
May dalawang uri ng mabisang pamatay sa mga maliliit na ipis. Una ay paglason sa pamamagitan ng direktang pag-spray sa mga ito. Ang isa naman ay ang pag-pain sa pamamagitan ng paghalo ng lason sa kanila pagkain, at mas mabisang paraan ito dahil sa pagdadala nila ng pagkain sa kanilang lungga, nadadamay na malason lahat ng nagtatago doon. May mga nabibiling lason na gel, na nakakaakit sa mga ipis at nadadala nila sa kanilang mga lungga hanggang sa tuluyang mamatay sila at iba pang mga kasamahan.
- Iwasan ang pagdami at pagkalat ng mga ito.
Sa pagpatay sa mga German ipis na nasa hustong gulang na, mapipigilan ang pagpapadami pa ng mga ito. Ang lason na nagamit, ay tuluyan ding makapupuksa sa mga tatanda pang mga ipis. Ngunit ang pinakamabisang paraan upang mapigil ang pagdami pa ng mga ito ay siguraduhing malinis ang kapaligiran at panatilihing walang naiiwang dumi at pagkain sa mga madidilim na sulok ng inyong bahay.
Ito pa ang mga karagdagang impormasyon na makakatulong sa pagpigil ng pagdami ng mga German ipis:
- Itagong mabuti sa mga selyadong sisidlan ang mga pagkaing pantao at pang-hayop.
- Huwag mag-iwan ng mga pagkain, tira-tira at basura nang matagal, at pigilan ang pangangamoy ng mga ito.
- Ayusin ang mga sirang tubo, lababo, kanal, at butas upang tanggalan sila ng pagkukuhanan ng tubig.
- Punasan ang mga nalalaglag na butil ng pagkain, mga natatapong likido, at siguraduhing huwag mag-iwan ng mga maduduming mga gamit sa kusina.
- Ugaliing magbawas ng mga tambak sa inyong bahay, lalo na sa mga bodegang madidilim at nababasa ng hamog.
- Ayusin at selyahan ang mga butas butas sa dingding, sahig, kisame, lababo, banyo at iba pang parte ng inyong bahay. Hangga’t mayroon silang nasisilungan at napapagtaguan, mayroon talagang panggagalingan ang mga German ipis.